VP Duterte atbp mahaharap sa iba’t ibang kaso
Sa sablay na paggamit sa confidential fund
MANILA, Philippines — Kaugnay ng sablay o irregularidad sa paggamit ng P 612.5 milyong confidential funds ay posibleng maharap sa kasong plunder, malversation, falsification, perjury at bribery si Vice President Sara Duterte kasama ang mga pinagkakatiwalaan nitong mga executives.
Ito ang inihayag ng mga lider ng Kamara at iba pang mga mambabatas na miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability matapos ang ikapito at huling pagdinig kahapon para isapinal na ang resulta ng imbestigasyon.
Tinukoy nina Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon, Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, Batangas Rep. Gerville Luistro at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang nasabing mga kasong maaring harapin ng mga opisyal ng Office of the Vice President at ng DepEd sa ilalim ng panunungkulan ni VP Sara.
Ayon kay Acop pasok sa kasong plunder ang bigat ng sablay na paggamit sa confidential funds ng tanggapan ni VP Sara at maging sa DepEd na dati nitong pinamumunuan.
Sinabi naman ni Bongalon ang bigat ng mga krimen na kinasangkutan ng OVP at DepEd kabilang na aniya dito ang technical malversation sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sa imbestigasyon, nabuking sa Special Disbursing Officers (SDOs) na sina Gina Acosta ng OVP at Edward Fajarda ng DepED ay humawak sila ng milyon-milyong halaga ng confidential funds sa kabila ng walang malinaw na dokumentasyon.
- Latest