84-anyos lola sinilaban ng manugang!
MANILA, Philippines — Agaw-buhay sa ospital ang isang 84-anyos na lola matapos sunugin ng kanyang manugang na lalaki sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa Carcar City, south Cebu noong Linggo ng hapon.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon nitong Enero 5 nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa Cambuntan Road sa Brgy. Bolinawan.
Ayon sa apo ng biktima, naglalaba ang kanyang lola nang biglang dumating ang suspek na pinagbabawalan umanong pumasok sa kanilang bahay, dahil sa pang-aabuso sa misis nito na anak ng biktima.
Galit na nilapitan ng suspek ang biyenan at hinanap dito ang kaniyang asawa subalit hindi siya sinagot nito.
Dahil dito, galit na hinarap ng suspek ang biyenan hanggang sa magkaroon silang dalawa ng mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng bangayan, kinuha ng lalaki ang isang plastic container na may lamang gasolina at ibinuhos sa biyenan saka sinilaban.
Humingi ng saklolo ang biktima sa mga kapitbahay at agad na binuhusan ng tubig ang nagliliyab na katawan ng lola saka isinugod sa isang ospital sa Cebu City.
Agad na naaresto ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.
- Latest