Celtics binalikan ng Pacers
BOSTON — Umiskor si Tyrese Haliburton ng 31 points para tulungan ang Indiana Pacers sa 123-114 pagresbak sa nagdedepensang Celtics.
Binalikan ng Indiana (16-17) ang Boston (23-9) matapos ang kanilang 37-point loss noong Biyernes.
Nagdagdag si Andrew Nembhard ng 17 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Pacers na nakahugot kina Pascal Siakam at Bennedict Mathurin ng 17 at 14 points, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Jaylen Brown ang Celtics sa kanyang 31 points at 6 assists, habang may 22 markers si Jayson Tatum kasunod ang 21 points ni Payton Pritchard.
Hindi naglaro sina starters Jrue Holiday (shoulder injury) at Kristaps Porzingis (sprained left ankle).
Nakabawi ang Boston mula sa isang 11-point deficit para dumikit sa 103-105 mula sa three-point play ni Tatum sa 7:38 minuto ng fourth quarter bago umiskor ang Indiana ng 13 points sa loob ng dalawang minuto patungo sa panalo.
Sa Oklahoma City, humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 35 points sa 130-106 pagmasaker ng Thunder (26-5) sa Memphis Grizzlies (22-11).
Sa Houston, kumamada si Tyler Herro ng 27 points bago napatalsik sa dulo ng fourth period kasama ang anim pa sa 104-100 pagsunog ng Miami Heat (16-14) sa Rockets (21-11).
Sa Minneapolis, umiskor si Donte DiVincenzo ng 26 points para gabayan ang Minnesota Timberwolves (17-14) sa 112-110 paglusot sa San Antonio Spurs (16-16).
- Latest