2 SUV nagsalpukan: Ginang na balikbayan todas; mister, 3 anak sugatan
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang pag-uwi ng isang 67-anyos na ginang na balikbayan sa Pilipinas nang masawi habang sugatan ang mister at tatlong anak nang salpukin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang kanilang SUV, kamakalawa ng gabi sa Misamis Oriental.
Namatay noon din ang biktimang si Engr. Emilyn Pagaling, isang retired agricultural engineer at US citizen habang sugatan ang mister at tatlo nilang anak kabilang si Malaybalay City Councilor Kathleen Cecille Pagaling.
Sa imbestigasyon na naganap, alas-10:00 ng gabi nitong Miyerkules sa Diversion Road, Crossing Barra Opol, Misamis Oriental, papauwi na ang mag-asawa sa Malaybalay City kung saan ay sinundo ng kanilang mga anak mula sa Laguindingan Airport nang biglang tumbukin ng isang Ford Everest na minaneho ng isang menor de edad.
Nakita sa CCTV footage, na ilang beses pang nagpaikut-ikot ang SUV na sinasakyan ng pamilya.
Idinahilan naman ng menor de edad na driver na hindi siya pamilyar sa lugar at hindi napansin ang intersection.
Desidido naman ang pamilya ng mga biktima na kasuhan ang menor de edad na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries.
- Latest