Bagong panuntunan sa class suspension
Nitong Disyembre 2024, naglabas ang Department of Education ng bagong panuntunan sa pagsususpinde ng klase tuwing may sama ng panahon, matinding init, lindol at mababang kalidad ng hangin.
Para makatugon ang ating lungsod sa kautusang ito ng DepEd, inilabas natin ang Memorandum Circular No. 3, Series of 2025 kamakailan na naglalatag ng mga pagkilos na malinaw at batay sa datos para maprotektahan ang mga estudyante at matiyak na hindi maaantala ang kanilang pag-aaral.
Sa ilalim nito, ibabatay ang class suspension dahil sa bagyo sa antas ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) na inilalabas ng PAGASA.
Awtomatikong walang pasok sa mga pampublikong Child Development Center and Kindergarten kapag TCWS No. 1. Kapag TCWS No. 2 naman, walang klase sa pampublikong Child Development Centers, Kindergarten, at Grades 1 hanggang 10.
Wala namang pasok ang lahat ng paaralan, maging pampubliko man o pribado, sa lahat ng antas kapag TCWS No. 3 na.
Suspendido naman ang klase sa pampublikong Child Development Centers, Kindergarten, Grades 1 hanggang 12, at Alternative Learning System (ALS) kapag may Orange at Red Rainfall Warnings.
Kung walang inilabas ang PAGASA na kahit anong warning ukol sa panahon, maaari ring magdeklara ng localized class suspension ang QC Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) kapag kailangan.
Sa matinding init naman, suspendido ang klase sa pampublikong Child Development Centers, Kindergarten, Grades 1 hanggang 12, at ALS kung aabot ang pagtaya ng iRISE UP system sa heat index na 42°C o higit pa. Kung ang forecast ay nasa pagitan ng 40°C hanggang 41°C, ipatutupad ang limitadong face-to-face classes, pinaikling oras o alternative learning modes.
Hawak naman ng higher education institutions at pribadong paaralan ang diskresyon kung magsususpinde ng klase dahil sa matinding init. Ang announcement ay dapat gawin ng alas-5:30 ng hapon isang araw bago ang suspension.
Pagdating naman sa lindol, suspendido ang klase sa lahat ng public school, pati na ALS, kapag tumama ang lindol na may Intensity VI o pataas. Para sa Intensity V pababa, maaaring magdeklara ang QCDRRMC o public school ng localized suspensions matapos magsagawa ng inspeksiyon sa mga paaralan.
Suspendido rin ang klase sa pampublikong Child Development Centers hanggang Grade 12 at ALS kapag umabot ang Quezon City Air Quality Monitoring Network sa Alert Level 3 at kung pumalo ang Emergency Level Air Quality Index (AQI) sa Alert Level 4.
Kadalasan, ang mga anunsyo ay gagawin hindi lalampas ng alas-4 ng madaling araw sa mismong araw ng suspensyon. Sa mga insidente ng biglaang matinding pagbabago ng panahon, ang mga suspensyon ay ideklara nang hindi lalampas ng alas-10 ng umaga.
Inaanyayahan ko kayo na manatiling nakatutok sa mga opisyal na anunsiyo mula sa Quezon City Government at QCDRRMC.
- Latest