4 terorista dedo sa Marines sa engkuwentro

COTABATO CITY, Philippines — Apat na kasapi ng grupong Dawlah Islamiya ang napatay ng mga tropa ng Philippine Marines sa isang engkuwentro sa Barira, Maguindanao del Sur nitong Lunes ng madaling araw.
Kinumpirma nitong Biyernes ng mga opisyal ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at 1st Marine Brigade ng Philippine Navy ang sagupaan na naganap sa Sitio Palao, Barangay Barira, bayan ng Barira na nagresulta sa pagkamatay ng apat na umano’y terorista.
Sumiklab ang engkuwentro nang paputukan ng mga terorista ang mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team-2 na ipinadala sa naturang lugar upang magsiyasat sa mga ulat ng mga residente hinggil sa presensya roon ng mga kasapi ng Dawlah Islamiya na nagpaplanong maghasik ng karahasan sa mga lugar na may mga police at Marine outposts.
Ayon kay Army Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th ID, at mga opisyal ng 1st Marine Brigade, mabilis na tumakas ang mga terorista nang napansin na unti-unting napapaligiran ng mga sundalong Marines ang kanilang kinaroroonan, at iniwan ang apat nilang kasamang nasawi sa sagupaan.
Sa ulat ng mga traditional Iranun leaders sa Barira, tatlong kasamahang sugatan ang akay-akay ng mga teroristang tumakas.
Nakakumpiska ang mga Marines ng dalawang assault rifles, mga bala at mahigit isang dosenang 40 millimeter grenade projectiles sa encounter scene na naiwan ng mga teroristang tumakas ng mapatay ang apat sa kanila sa naturang engkuwentro.
- Latest