Grade 6 student na rumesbak, todas sa 5 siga

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang 13-anyos na binatilyo nang pagtulungang saksakin ng limang kalalakihan na kanyang niresbakan sa loob ng isang basketball court sa Brgy. Commonwealth, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si alyas JP, Grade 6 student habang tugis naman ang limang kalalakihan na umano’y mga siga sa lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District –Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente, alas-10:00 ng gabi sa Katuparan St., Brgy. Commonwealth, Q.C.
Bago ang insidente, nanonood ang biktima kasama ang kanyang iba pang mga kaibigang menor de edad ng basketball sa BYC covered court sa Kasunduan St. at dito ay dumating ang limang kalalakihan na isa dito ay kinilala ng biktima na sumuntok sa kanya.
Itinuro ng biktima sa kanyang mga kaibigan ang sumuntok sa kanya at nilapitan na humantong sa suntukan.
Nagkaroon ng rambulan hanggang sa isa sa mga suspek ang bumunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima.
Dito na nagpulasan ang mga kasama ng biktima na duguang bumagsak sa semento dahil sa mga tinamong saksak sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan.
Nakuha naman sa crime scene ang patalim na ginamit ng mga suspek. Inaalam na ng mga otoridad kung may mga CCTV sa lugar upang matukoy ang mga suspek.
- Latest