Eala tuloy ang ratsada sa Miami Open
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagpasok ng suwerte para kay Alex Eala nang awtomatiko itong makahirit ng tiket sa quarterfinals ng Miami Open kahapon sa Miami, Florida.
Hindi na pinagpawisan pa si Eala matapos mag-withdraw sa Round-of-16 si Paula Badosa ng Spain dahil sa iniinda nitong lower back injury.
Dahil dito, walang kahirap-hirap na nakapasok sa Last 8 si Eala — ang pinaka-unahang Pinoy player na nakahirit ng tiket sa quarterfinals ng isang major tennis event.
“Not the way I would want to move to my first WTA1000 quarterfinals. I wish Paula a speedy recovery. Looking forward to my match on Wednesday,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Sunod na makakasagupa ni Eala si Grand Slam champion at world No. 2 Iga Swiatek ng Poland na nanaig kay Elina Svitolina ng Ukraine sa iskor na 7-6 (7/5) 6-3.
Una nang pinatalsik ni Eala si reigning Australian Open champion Madison Keys ng Amerika sa Round-of-32 at dating French Open titlist Jelena Ostapenko ng Latvia sa Round-of-64.
“It’s crazy to think that I made my main draw debut here in 2021 and now I’m into the quarterfinals. It’s such a full circle moment and I hope you guys can all support and come along on the journey,” ani Eala.
Sa pagpasok ni Eala sa quarterfinals, nakasisiguro na ito ng $189,075 o mahigit P10 milyon.
Mabibiyayaan din ito ng 215 puntos sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
- Latest