Babaing bumili ng lumang painting sa murang halaga, naibenta niya nang mahal!
ISANG babae sa Ohio, U.S.A. ang nagulat nang matuklasang ang binili niyang lumang painting sa isang thrift store sa halagang $2.99 (humigit-kumulang P170) ay orihinal na obra pala ng isang sikat na pintor at naibenta sa isang auction ng halos $2,875 (mahigit P160,000).
Si Marissa Alcorn, isang residente ng Dayton, ay kasama ang kanyang fiancé nang pumunta sila sa isang Goodwill store matapos maghapunan.
Habang naglalakad-lakad sa naturang second hand shop, may napansin siyang isang lumang frame na bagong inilabas mula sa storage ng isang empleyado.
Ayon kay Alcorn, hindi niya talaga nagustuhan ang mismong painting at tinawag pa niya itong “pangit.” Pero dahil sa murang presyo, napagdesisyunan niyang bilhin ito.
Habang inilalagay niya ang painting sa kotse, napansin niya ang isang maliit na label na nakakabit sa ilalim ng frame kung saan nakalagay dito ang pamagat ng painting at ang pangalan ng pintor nito.
Pagdating sa bahay, nag-search siya sa internet at nagulat siya nang malaman na ang painting ay gawa ng tanyag na American impressionist na si Johann Berthelsen.
Sa una ay inisip niyang fake lang ang artwork, pero matapos sumali sa isang online group ng art appraisers, hinikayat siyang ipasuri ito sa isang auction house sa Cincinnati.
Dinala niya ito sa Caza Sikes, kung saan kinumpirma ng mga eksperto na tunay ngang obra ni Berthelsen ang hawak niya.
Ang painting na may pamagat na “Chapel, St. Patrick’s Church” ay ipinasubasta at naibenta ng $2,875.
Ayon kay Alcorn, gagamitin niya ang pera para sa nalalapit niyang kasal.
- Latest