Marco inalok na ng kasal si Heaven!

Kinilig ang fans ng showbiz couple na sina Heaven Peralejo at Marco Gallo sa ibinahagi ng aktor sa mediacon ng bago nilang series na Avenues of the Diamond na ginanap last Wednesday.
Natanong kasi sa female members of the cast kung ano ang dream wedding proposal nila at hindi pa man sumasagot si Heaven ay nagsisigawan na ang mga fans na naroroon sa venue.
“Mahal, ikwento mo na sa kanila pa’no,” sey ni Heaven kay Marco.
“Nag-propose na?” tanong ng co-actress nila.
“Tapos na,” natatawang sey ni Heaven. “Charot lang,” sabay-bawi.
Then, aniya, “ako, anywhere naman. Kahit nga sa tapat ng Thai restaurant, okay lang.”
Dito na sumingit si Marco at ikinuwento kung bakit nabanggit ni Heaven ang Thai restaurant.
“Hindi, ganito kasi ‘yan. May nangyari kasi kaya na-mention niya sa Thai restaurant,” simula ni Marco.
“So, ganito ‘yung nangyari. Bale, there was this one time na kumakain lang kami sa isang Thai restaurant sa Makati. And then, nag-uusap lang kami,” tsika ng aktor.
“Tapos sabi ko, ‘mahal, pa’no kapag hindi ako yumaman? Pa’no kapag hindi kita kayang suportahan? Pa’no kapag hindi matutupad ‘yung mga pangarap natin? Kung sakto lang ‘yung kita ko at hindi ko makuha ‘yung magandang ring or basta magandang singsing. Kahit ganito ba ia-accept mo?” kwento ni Marco.
Pagkatapos daw nito ay gumawa siya ng singsing made of dahon ng saging na nasa Thai food at binigay kay Heaven.
“Trinay ko, sabi ko, ‘tatanggapin mo ba ‘to for the meantime tapos isusunod ko na lang (ang totoong ring)?’” pagbabahagi pa ni Marco.
Ang sagot daw ni Heaven ay yes.
“So, ‘yun, du’n ko nalaman na siya na nga pala,” sambit ni Marco.
Tilian ang mga fans. Si Heaven naman ay wala nang nasabi at kinilig na lang sa sinabi ng dyowa.
After the Q&A ay nilinaw namin sa MarVen kung engaged na ba sila nang lagay na ‘yun at medyo hindi pa rin nila nasagot ng direkta kung oo o hindi.
“Pa’no ba natin sasagutin? Basta alam mo ‘yun? Mahal namin ang isa’t isa. ‘Yun lang po ‘yun. And you know, if we have any news or like. . .sasabihan namin kayo,” sey ni Heaven.
Pero inamin ng dalawa na nag-promise na sila sa isa’t isa na through thick and thin ay magkasama sila.
“We’re dating to marry,” sey ni Heaven na inayunan ni Marco. “But it’s not a pressure at the same time. Just to know each other na for you guys to have the same goals, ‘di ba? Parehas ba? Same page ba? Kasi kung hindi, you know, we’re wasting time, ‘di ba?” dagdag pa ng aktres.
“Kasi, tumatanda na rin kami,” sambit naman ni Marco.
“Andu’n na kami sa age. And wala namang pagkukulang na si Marco. Complete package na siya,” ani Heaven.
Samantala, ang Avenues of the Diamond ang ika-apat na installment sa hit Wattpad saga ni Gwy Saludes na ‘University Series.’
Matapos ang tagumpay ng ‘The Rain in España,’ ‘Safe Skies, Archer,’ at ‘Chasing in the Wild,’ patutunayan ng bagong kabanatang ito na kahit ang galit sa puso ay maaaring maging pagmamahal.
Magsisimul nang mapanood ang Avenues of the Diamond sa Viva One ngayong April 11, with a new episode every Friday.
- Latest