^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Linisin ang Bureau of Immigration

Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.
EDITORYAL - Linisin ang Bureau of Immigration

Marami nang naging commissioner ang Bureau of Immigration (BI) pero wala ni isa mang nagtangkang linisin ang tanggapan na mistulang naging pugad na ng mga gutom na buwaya. Hindi na naka­ahon sa mga usapin na may kinalaman sa pamemera ang tanggapan. Halos lahat ng mga nangyayari sa BI —mula sa pagtakas nina Alice Guo at mga kasama hanggang sa pagtakas ng mga puganteng Koreano kamakailan ay pawang pera ang lumalabas na kumilos. Nakakahiya!

Sa pagdinig ng Senado noong Martes, inamin ng puganteng Koreano na si Na Ikhyeon na sinuhulan niya ng P6 milyon ang mataas na opisyal ng BI at isang police official para makatakas sa Immigration. Ayon sa Koreano, ang BI official ay nagngangalang “Paul” at nag-oopisina sa Intramuros samantalang ang pulis ay nagngangalang “Raul”.

Sabi naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinibak na ang dalawang Immigration personnel na nagpatakas sa Koreano. Mariin din niyang sinabi na walang BI official na nagngangalang “Paul”.

Kinumpronta ni Sen. Risa Hontiveros si Viado sa mga nangyayaring korapsiyon sa BI. Sabi ni Honti­veros, masyadong “masakit na sa taynga” ang mga nangya­yaring korapsiyon sa Immigration. Noong 2021, ibinulgar ni Hontiveros ang “pastillas scam modus” sa Immigration kung saan walang kahirap-hirap na nakakapasok sa bansa ang mga Chinese na walang travel documents basta maglagay lang ng pera sa mga korap na Immigration personnel. Binibilot na parang pastillas ang perang suhol para hindi mabuking.

Hinamon naman ni Viado si Hontiveros na ipagbigay alam sa kanya ang mga nangyayaring korapsiyon sa BI at willing daw siya na imbestigahan ito. Ka­ilangan daw ay may matibay na ebidensiya bago magsampa ng kaso. Hindi raw dapat mahantong sa fishing expedition.

Habang may mga puganteng Koreano at iba pang dayuhan na “ginagatasan” ng mga korap sa BI, hang­gang ngayon naman ay hindi pa natutunton ng tanggapan kung paano nakatakas sina Alice Guo at mga kasama noong Hulyo 18, 2024. Nadakip sa isang mall sa Riau, Indonesia si Shiela at kaibigang Cassanda Li Ong noong Agosto 20, 2024 ng Indonesian immigration at police. Nadakip naman si Alice Guo noong Set­yembre 5, 2024 sa Indonesia.

Siyam na buwan na ang nakararaan mula nang makatakas sina Guo at mga kasama, wala pa ring ma­sabi ang BI kung paano nakatakas ang mga ito. Hindi na nakapagtataka kung hindi rin nila nalaman ang pag­labas sa bansa ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ngayon ay nasa The Netherlands.

Nangangailangan nang puspusang paglilinis sa BI. Pero sino ang gagawa? Walang aasahan sa mga namu­muno para mawasak ang lungga ng mga buwaya.

BUREAU OF IMMIGRATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with