3 todas sa barilan sa Northern Samar

MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang sa serye ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng komunistang grupo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. San Jose, Mapanas, Northern Samar nitong Marso 16.
Sa report ni Army’s 8th Infantry Division (ID) commander Major Gen. Adonis Ariel Orio, dakong alas-6 ng umaga nang makasagupa ng Army’s 4th Scout Ranger Battalion (SRB) ang grupo ng mga rebelde mula sa Regional Guerilla Unit (RGU) ng Eastern Visayas Regional Party Committee sa nasabing lugar.
Unang nakatanggap ang mga sundalo ng report hinggil sa pangongotong ng mga rebelde sa mga residente sa Brgy. San Jose ng bayang ito kaya sila nagresponde sa lugar pero sinalubong sila ng mga putok na nagbunsod ng engkuwentro.
Isa sa mga rebelde ang bumulagta sa lugar at narekober ang isang M14 rifle, isang anti-personnel mine, dalawang blasting caps at iba pang mga personal na kagamitan.
Ilang minuto matapos ito, muling nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang mga rebelde habang tumatakas na ikinasawi ng isang NPA rebel na inabandona ng kaniyang mga kasamahan ang bangkay. Narekober din sa lugar ang isang M16 rifle at sari-saring mga bala.
Ilang oras matapos ang ikalawang engkuwentro, muling sumiklab ang 10 minutong bakbakan nang makasagupa ng blocking force ng 4th SRB ang mga nagsisitakas na rebelde at dito’y narekober ang dalawang backpacks.
Bandang alas-10 ng umaga naman nang makaengkuwentro ng 4th SRBN ang mga kalaban habang papatakas na sa lugar na ikinasawi ng isa pang rebelde at nasamsam dito ang isang M14 rifle, isang M4 rifle, mga bala at iba pang mga kagamitang pandigma.
- Latest