SAF na pinukpok ni Honeylet, ‘di na magsasampa ng kaso
MANILA, Philippines — Hindi na magsasampa ng kaso laban kay Honeylet Avanceña, ang tauhan ng Special Action Force (SAF) na pinukpok ng cellphone sa ulo ng longtime partner ni Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña.
Ito naman ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) spokesperson PBGen. Jean Fajardo kahapon bagama’t una nang sinabi ng PNP na kakasuhan ng direct assault si Honeylet.
Ayon kay Fajardo, mismong ang pulis umano ang nagdesisyong hindi na sampahan ng reklamo si Honeylet.
Napagtanto umano ng pulis na kasama raw sa hazard ng kanyang trabaho ang sinapit niya, matapos umano siyang pukpukin ni Honeylet ng cellphone, sa kasagsagan ng kanilang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Nasa maayos na kondisyon na ang pulis at nagpapagaling. Sasagutin ng PNP ang lahat ng kanyang gastusin sa gamot. Nakatakda ring gawaran ng pagkakilala ang pulis dahil sa pagtupad nito sa kanyang tungkulin.
- Latest