Creamline sinolo ang liderato
MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinolo ng nagdedepensang Creamline ang liderato matapos walisin ang Nxled, 25-12, 25-21, 25-19, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw si Bernadeth Pons ng 13 points habang may 10 markers si Tots Carlos para sa 6-0 kartada ng Cool Smashers at pang-16 sunod sapul noong 2024 Reinforced Conference.
“Siyempre, masaya kami at iyong mga players namin nagde-deliver lagi kapag pinapasok sila,” ani coach Sherwin Meneses kina Lorie Bernardo, Bea Bonafe at Rosemarie Vargas na nag-ambag ng pinagsamang siyam na puntos. “Siyempre, magagamit namin sila sa mga future games namin.”
Tumipa si setter Kyle Negrito ng 15 excellent sets.
Umiskor si Jaycel Delos Reyes ng pitong puntos para sa Chameleons na bumagsak sa pang-walong dikit na kamalasan at ika-15 sa kabuuan simula sa nakaraang Reinforced Conference.
Nagdagdag sina Lycha Ebon, May Luna at Lucille Almonte ng tig-anim na marka para sa Nxled na kinuha ang 10-5 at 18-15 bentahe sa third set matapos mabaon sa 0-2 sa laro.
Nagtuwang sina Carlos, Bea De Leon at Alyssa Valdez para sa isang 6-0 atake at itaas ang Creamline sa 24-18 match point.
Ang atake ni Carlos ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Cool Smashers.
- Latest