Fajardo, Quiambao gagawaran ng Mr. Basketball, kay Jia ang Ms. Volleyball
MANILA, Philippines — Tatlong natatanging atleta ang bibigyan ng parangal sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night na idaraos sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Ito ay sina PBA star June Mar Fajardo, collegiate prodigy Kevin Quiambao at volleyball celebrity Jia Morado-De Guzman na bibigyan ng special awards sa programa.
Sina Fajardo (pro) at Quiambao (amateur) ang gagawaran ng 2024 Mr. Basketball awards habang si Morado-De Guzman ang kikilalaning Ms. Volleyball sa event na co-presented ng ArenaPlus, Cignal at MediaQuest.
Makakasama ng tatlo si world champion at Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo na siyang gagawaran ng 2024 Athlete of the Year award.
Makailang ulit nang tumanggap si Fajardo ng Mr. Basketball habang ito ang unang pagkakataon na bibigyan sina Quiambao at Morado-De Guzman.
Napasakamay ni Fajardo ang ikawalong PBA Most Valuable Player award kung saan tinulungan nito ang San Miguel na masungkit ang Commissioner’s Cup crown.
Bahagi rin si Fajardo ng Gilas Pilipinas team na umabot sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.
Naibulsa naman ni Quiambao ang UAAP MVP honors sa loob ng dalawang magkasunod na seasons. Kasama rin si Quiambao sa Gilas na sumabak sa FIBA Olympic at Asia Cup qualifiers.
Si Morado-De Guzman ang bumuhat sa Alas Pilipinas para masiguro ang tanso sa SEA Women’s V. League series habang nasungkit nito ang Best Setter sa Asian Women’s Volleyball Challenge Cup.
Nauna nang ginawaran ng Mr. Basketball sina Scottie Thompson, Arwind Santos, Terrence Romeo, Calvin Abueva, Thirdy Ravena, Mark Caguioa at sina volleybelles Alyssa Valdez, Mika Reyes, Dawn Macandili, Alyja Daphne Santiago, Sisi Rondina at Tots Carlos ng Ms. Volleyball.
- Latest