May political crisis na ba ang bansa o masaya lang?
SOBRA man sa rekado ang Kongreso ay mukhang kukulangin sa asim pagsampa nito sa Senado ang mga nagsusulong ng impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte. May nagparamdam na rin sa magiging bilang ng mga senador na magbabalewala sa impeachment proceedings. Bokyaan na ‘to!
Partido Federal ni PBBM at PDP ni Digong Duterte ang pinagsanib na partido upang makabuo ng UniTeam. Nakipagalyansa ang Partido Federal sa Lakas-CMD, Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC) at National Unity Party (NUP) upang isulong ang programang Bagong Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.
Humaharap ngayon ang bansa sa matinding komplikasyong idinulot ng hindi pagkakaunawaan ng kampo nina PBBM at mga Duterte. Dapat isipin at mag-ingat sa bawat hakbangin ang kampo ni PBBM dahil malalim din ang pinagsamahan ng ilang kaalyansang partido nito sa dating administrasyon ni Digong Duterte.
Naging DPWH Secretary si Sen. Mark Villar at naging DFA Secretary din si Sen. Alan Peter Cayetano bago pa maging Speaker of the House sa ilalim ng administrasyon ni Digong.
Kung susuriin ngayon ang magiging bilang ng kapanalig ni VP Sara sa senado ay maging kabilang dito sina Senators Cynthia Villar, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bato dela Rosa, Robin Padilla, Migz Subiri, Jinggoy Estrada at Imee Marcos. Aba, tapos na ang laban!
Pinangangambahan ng ilang eksperto sa pulitika na baka magkalamat ang bigkis ng koalisyon ng mga partidong bumuo ng Bagong Pilipinas at magkanya kanya ito sa darating na 2025 election. Mangangamoy krisis talaga!
Malamang diumano na mabulabog ang binuong senatorial line-up ni PBBM sa 2025 at maging apat na grupo ang bubuo ng labanan. Lakas-CMD/Partido Federal, Mula sa paksyon ng Dilawan-LPinklawan, PDP-Hugpong at Grupong Makabayan. Masayang magulo pero exciting. Pero sa bandang huli, pera pa rin ang ang mamamayani. Pustahan?
- Latest