‘Alulong’ (Part 6)
Apat na ang namamatay naming kaanak at lahat iyon ay pinahiwatig ng alulong ng aso naming si Blackie. Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin pero sa mga nangyaring magkakasunod na yumaong kaanak, gusto ko na talagang maniwala.
Sa pag-iisip ko ng mga kakatwang nangyari sa amin, pumasok sa isipan ko na bakit hindi na lamang namin ipamigay si Blackie para wala nang aalulong.
Tiyak na maraming magkakagustong ampunin si Blackie sapagkat mabait ito at maraming nalalaman dahil tinuruan ni Papa. Marunong itong magsayaw gamit ang dalawang paa. Marunong lumukso sa nagliliyab na argolya at marunong ding lumukso sa mataas na pader.
Askal lamang si Blackie na napulot ni Papa nung tuta pa lamang ito habang pauwi siya galing sa pinagtatrabahuhang munisipyo. Sumunod daw si Blackie sa kanya kahit hindi niya tinatawag. Dinampot na niya at iniuwi at pinangalanang Blackie.
Nang imungkahi ko na ipamigay na lang si Blackie para wala nang umaalulong, tigas na pagtutol ni Papa. Huwag daw. Nagkataon lang daw yun.
(Itutuloy)
- Latest