Miru ibinigay na printing machines sa Comelec
MANILA, Philippines — Pormal nang nai-turnover ng Miru Systems sa Commission on Elections (Comelec) at National Printing Office (NPO) ang dalawang bagong printing machines na gagamitin sa 2025 midterm elections at BARMM parliamentary elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Sabado na sa kauna-unahang pagkakataon, ang state of the art HP printing machines ay gagamitin ng ahensya ng gobyerno.
Aniya, ang nasabing HP printing machines ay pinaka-improved version sa lahat.
“Una, mas mura. At number 2, mabilis. Paglabas ng mga balota, naka-cut na siya per precinct kaagad,” paliwanag niya.
Target naman ng Comelec na sa susunod na dalawang buwan ay matapos ang pag-imprenta ng tinatayang 70 hanggang 71 milyon balota para sa eleksyon.
Pinapayagan din ng Comelec na saksihan ng mga mamamahayag, ibang interesadong grupo at mga mamamayan ang pag-iimprenta ng mga balota.
“We will never leave any day without any observer or anyone watching para maiwasan ‘yung mga ibang issue na katulad ng nangyari dati,” ani Garcia.
Tiniyak niya rin na walang sobrang balota na ipapa-imprenta upang maiwasan ang posibleng pagdududa na magagamit sa dayaan at upang maingatan ng mga botante na magkamali.
“At saka ‘pag may excess ballots kasi, it creates in the minds of the voters na pwede naman pa lang magkamali. So kapag alam nila na 1:1 lang ang ating ratio, iingatan ng mga botante ‘yung pagboto at paghawak sa mismong mga balota,” paliwanag niya.
Aniya pa, mas mababa ang turn-out ng mga botante sa national at local elections na karaniwan ay 65-70% lamang habang ang national elections kung kasama ang presidential at vice-presidential races ay nasa 80-83% ang turn-out.
- Latest