Chua kampeon sa Hanoi open
MANILA, Philippines — Ayaw paawat ng mga Pinoy cue masters sa international stage matapos muling bigyan ni Johann Chua ng karangalan ang Pilipinas.
Pinagharian ni Chua ang 2024 Hanoi Open kung saan pinataob nito si Ko Pin-yi ng Chinese-Taipei sa finals sa pamamagitan ng 13-7 desisyon sa Hanoi Indoor Games Gymnasium sa Vietnam.
Napasakamay ni Chua ang $30,000 premyo o mahigit P1.7 milyon habang nagkasya lamang si Ko sa $15,000 konsolasyon o mahigit P800,000.
Isang krusyal na mintis ang nagawa ni Ko sa huling bahagi ng laro kung saan bigo itong maisalpak ang 9-ball.
Agad naman itong sinamantala ni Chua para makuha ang 19th rack.
Sa 20th rack, naging swabe na ang ratsada ni Chua nang linisin nito ang mesa para matamis na angkinin ang kampeonato.
Nakapasok sa finals si Chua matapos itakas ang 11-5 panalo laban kay world champion Carlo Biado sa semifinals habang napigilan naman ni Ko ang posible sanang All-Filipino finale nang gapiin nito si Pinoy bet Jeffrey Roda sa hiwalay na semis match, 11-2.
Ito ang ikalawang korona ng Pilipinas sa Vietnam.
Nauna nang naghari si Biado sa Ho Chi Minh City Open noong nakaraang buwan.
Bukod pa rito ang matamis na pagkopo ni Rubilen Amit ng prestihiyosong WPA Women’s World 9-Ball Championship crown na ginanap naman sa New Zealand.
Agad namang tumulak pabalik ng Pilipinas si Chua dahil sasabak ito sa Reyes Cup na idaraos simula ngayon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Bahagi si Chua ng Team Asia na lalaban sa matitikas na cue masters mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
- Latest