Barko ng Pinas, Tsina nagbanggaan sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang BRP Sindangan ay bumangga sa isang barko ng China coast guard (CCG) sa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na sa buong panahon ng kanilang misyon, hinarap ng mga barko ng Pilipinas ang mga dangerous maneuvers o mapanganib na pagmamaniobra at pagharang ng CCG at ng Chinese Maritime Militia.
“This morning, @coastguardph vessels, BRP CABRA and BRP SINDANGAN, were deployed by the Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, to support the Rotation and Reprovisioning Operation of the Armed Forces of the Philippines”, dagdag pa nito.
Bukod sa banggaan, iniulat din ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na ang isa sa mga resupply boat na Unaizah May 4, ay tinamaan ng water cannon sa kasagsagan ng misyon na kung saan ay apat na tripulante ang nasugatan.
Ang mga hindi pinangalanang tripulanteng Pinoy ay kaagad namang nalapatan ng lunas ng mga tripulanteng sakay ng BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Kaugnay nito, binatikos ng NTF-WPS ang anila’y “unprovoked acts of coercion and dangerous maneuvers” ng CCG laban sa mga barko ng Pilipinas na naglagay anila sa panganib sa buhay ng mga Pinoy na sakay nito.
Matagumpay naman aniyang nakarating ang iba pang resupply boat na Unaiza May 1 sa BRP Sierra Madre outpost.
- Latest