P150 wage hike, malabo sa Mayo 1
MANILA, Philippines — Sinabi kahapon ni Senador Jinggoy Estrada na malabo pang maibigay ang P150 daily wage hike sa mga minimum wage earners hanggang sa pagsapit ng Labor Day.
Ani Estrada, chairman ng Senate labor and employment committee, kailangan pang sumailalim sa masusing public consultation ang panukalang inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri para rito.
“It’s been only a year since the opening of the country’s economy following the two-year extensive COVID-19 restriction… We’re still struggling trying to return to the pre-pandemic levels,” pahayag ni Estrada.
Nang tanungin naman si Zubiri kung maipapasa ang batas sakto sa Labor Day sa Mayo 1, sagot niya: “Ah hindi. Impossible. That’s quite impossible.”
Nauna nang sinabi ni Zubiri na kailangan ang P150 na dagdag sa sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor upang matulungan sila sa matinding epekto ng inflation.
Ayon pa kay Estrada na ang konsultasyon na gagawin ay hindi lamang tutuon sa isyu ng mga manggagawa kundi maging ng kapasidad at sitwasyon ng mga employer, sabay-sabing nangangailangan ng “balance” sa pangangailangan ng mga manggagawa at employer.
Pero, sang-ayon naman ang senador na magkaroon na ng dagdag-sahod sa minimum wage earners lalo na sa epekto ng inflation.
- Latest