EDITORYAL - Sige, ituloy lang ang pangingisda sa WPS
May fishing moratorium ang China sa South China Sea o West Philippine Sea na nagsimula pa noong Mayo 1 na tatagal ng Agosto 16. Ibig sabihin mahigpit na pinagbabawal ng China ang pangingisda sa nasabing karagatan na kanilang inaangkin.
Pero nanindigan ang Pilipinas at iniutos sa mga mangingisdang Pinoy na huwag pansinin o intindihin ang ipaiiral na fishing ban ng China. Sa pagpapatupad ng fishing ban, inaasahan na lalo pang lilipana sa karagatan ang China Coast Guards, armed militia boats, naval ships at iba pang kagamitang pandigma bilang pagpapakita ng puwersa.
Pero dahil nagbigay na ng suporta ang pamahalaan sa mga mangingisdang Pinoy, malaya at walang takot na mangingisda ang mga ito sa sakop sa exclusive economic zone. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi puwedeng ipilit ng China ang fishing ban sa hurisdiksiyong sakop ng Pilipinas. Sabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang annual fishing ban ng China ay hindi maaaring i-extend sa West Philippine Sea sapagkat nakasaad ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Hindi puwedeng magpatupad ng moratorium ang China na nagbabawal sa mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa West Philippine Sea.
Sinabi naman ni dating senador Rodolfo Biazon na dapat kumilos ang Kongreso para magpasa ng resolution na mag-convene ang National Security Council at nang madetermina ang paninindigan ng pamahalaan sa WPS. Pero sabi ni President Duterte hindi pa raw panahon para mag-convene ang NSC. Maraming beses nang sinabi ng Presidente na hindi siya makikipag-away sa China at lahat ay idaraan sa matiwasay na pamamaraan.
Nakapagpapalakas ng loob at kumpiyansa ang payo ng pamahalaan sa mga mangingisdang Pinoy na huwag pansinin ang fishing ban ng China. Huwag daw matakot at ipagpatuloy lamang ang paghuhulog ng lambat sa WPS para makahuli ng isda. Nararapat lamang na ganito ang ipahatid ng pamahalaan sa mga mangingisda na nagbibigay ng pag-asa.
Mas maganda naman kung babantayan nang todo ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda para makasiguro na walang mangyayaring masama. Iba pa rin ang may nagtatanod sa mga Pinoy habang naghahanap-buhay sa karagatan sapagkat mas lalakas ang kanilang loob.
- Latest