Para iwas ICC arrest: Bato nagpraktis mag-disguise

MANILA, Philippines — Inamin ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na sinubukan na niyang mag-disguise matapos ang mga espekulasyon tungkol sa posibleng arrest warrant na ilalabas laban sa kanya ng International Criminal Court, pero nabuking agad siya.
Sa isang phone patch interview, sinabi ni Dela Rosa na nagsuot siya ng cap, jacket, at iba pang disguise para makapag-ensayo ng pagtatago sa mga awtoridad.
“Tinry ko na mag-cap ako, nag-jacket ako, mask-mask ako. Nakita ako ng isang tao sa Bicol. Sabi sa akin ng mga tao na nagbebenta ng kamote, ‘Kilala kita! Si Bato ka!’ Wala na, patay na,” pag-amin ni Dela Rosa.
Sa isang lugar aniya sa Bicol sinubukan ni Dela Rosa na magbago ng anyo pero agad pa rin siyang nakilala ng babae na nagbebenta ng kamote sa gilid ng kalsada kaya napilitan siyang bumili para hindi na ito mag-ingay at hindi makatawag ng pansin.
“Bumaba ako bandang Bicol. Pagbaba ko naka-jacket ako, nag-cap tapos nag-mask, bumaba ako bili ng mainom, ngayon nadaanan ko babae na nagbebenta ng kamote sa gilid ng kalsada. ‘Kilala kita, si Bato ka!’ Ah wala ako nagawa. Bumili ako ng kamote sa kanya kasi mag-ingay man na andun ako ‘pag ‘di ko bilihan,” ani Dela Rosa.
Idinagdag nito na para hindi siya maipit sa kanyang sitwasyon ay hindi siya dapat maging “tatanga-tanga.”
Hindi rin siya magtatago sa bundok kundi sa siyudad.
- Latest