China pinondohan seminar ng Pinoy vloggers

MANILA, Philippines — Pinondohan umano ng pamahalaan ng China ang mga vloggers at social media influencer na mayorya ay mga pro-Duterte sa pagdalo ng mga ito sa isang seminar sa nasabing bansa.
Ito ang inamin ni dating Presidential Communications Office (PCO) Sec. Trixie Cruz-Angeles sa pagdinig ng Kamara kamakalawa hinggil sa talamak na mga fake news at online disinformation sa social media platform.
Sa pagdinig, tinanong ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez si Cruz-Angeles tungkol sa National Radio and Television Administration (NRTA) ng China at ang papel nito sa pagsasanay ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang bansa.
Ipinakita ni Suarez ang isang larawan ng mga dumalo sa NRTA seminar, kung saan kasama si Cruz-Angeles at iba pang vloggers na pro-Duterte, na kinumpirma naman ng huli na training programs sa mga media practitioners mula sa iba’t ibang mga bansa.
Pinangalanan niya ang ilan sa mga dumalo sa seminar na ginanap mula Mayo 23-Hunyo 5, 2023, sa China.
“Myself, Pia Morato, Tio Moreno – who was there as a journalist and I think an information officer – Mr. Mark Lopez and Attorney Ahmed Paglinawan,” saad ni Cruz-Angeles.
Inamin ni Cruz-Angeles na ang seminar ay “sponsored,” kung saan sinagot ng gobyerno ng China ang pamasahe, tirahan, at gastos sa seminar.
Mismong sa Chinese Embassy umano nagmula ang imbitasyon na regular umanong humihirang ng mga iimbitahan at posibleng kalahok sa ganitong uri ng mga programa.
Inihayag pa ni Cruz-Angeles na ipinakilala rin sa mga dumalo sa seminar ang mga bagong uso sa social media kabilang na ang paggamit ng mga bagong pamamaraan gaya ng maikling video at maging ang background sa China.
- Latest