VP Sara: Dating Pangulong Rodrigo Duterte baka ‘di na makabalik ng Pinas

MANILA, Philippines — Aminado si Vice President Sara Duterte na maaaring hindi na makauwi pa ng Pilipinas ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, na nakapiit ngayon sa The Hague, Netherlands, bunsod ng kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
“Sa totoo lang wala akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas” pahayag ng bise presidente, sa isang pulong balitaan.
Dagdag pa niya, “So what we should do as a country is move on from what happened. What will we do is [we move] forward as a country and as a people from what happened. Magalit man tayo, walang mapupuntahan ‘yung galit natin dahil hindi naman ‘yan sila pananagutin ng pamahalaan eh.”
Sa kabila nito, tiniyak din naman ni VP Sara na patuloy silang maghahanap ng mga pamamaraan upang mapabalik ng bansa ang kanyang ama, na nagpahayag aniya nang pagnanais na makapagsilbing muli bilang alkalde ng Davao City.
“Dapat siguro i-demand natin sa kanila na mag-isip sila, but clearly from the answers of secretary of the Department of Justice kanina, I don’t think they will make moves in taking back or bringing the former President home. So hahanapan na lang namin ng ibang paraan kung paano maiuwi ang ating dating Pangulo,” anang bise presidente.
Samantala, sa isyu naman ng posibleng may nag-traydor sa sirkulo ng kanyang ama, sinabi ni VP Sara na, “Hindi ko man matawag siguro na traitor, pero sigurado ako sa rami ng tao na ‘yun sa loob ng kwarto na ‘yun ay meron talagang nagsasabi kung ano ang pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam.”
Una na ring inamin ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na may sama siya ng loob kay National Security Adviser Eduardo Año dahil sa hindi man lang nito pag-aabiso sa kampo ng dating pangulo na aarestuhin ito sa paliparan, pagdating niya galing sa Hong Kong.
- Latest