Duterte siblings pinasasagot ng SC sa ‘habeas corpus’

MANILA, Philippines — Inatasan ng Korte Suprema ang mga anak ni dating Pang. Rodrigo Duterte na maghain ng tugon hinggil sa komentong isinumite ng mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang consolidated habeas corpus petitions na humihiling na mapalaya ang kanilang ama mula sa pagkakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa asuntong crimes against humanity.
Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesperson Atty. Camille Ting, inatasan ng Supreme Court (SC) en banc ang mga petitioners na sina Veronica “Kitty” Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte na maghain ng kanilang tugon sa loob ng non-extendible period na limang araw.
Paglilinaw naman ni Ting sa isang pulong balitaan, “When a court asks a party to comment or respond, it does not mean that it either granted or denied the petition or the prayer.”
Inihayag rin niya na ang komento ay inihain ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Ty, matapos ang pagtanggi ng Office of the Solicitor General (OSG) na katawanin ang mga respondents sa petisyon.
- Latest