Bilang suporta sa mga Senador…60K Batangueños tinipon ni Leandro Leviste
MANILA, Philippines — Sa isang makasaysayang pagpapakita ng pagkakaisa at hangaring paunlarin ang Unang Distrito ng Batangas, dumalo ang mga senador sa isang malawakang dalawang araw na pulong nitong Pebrero 28 at Marso 1, 2025.
Sa pangunguna ni Leandro Legarda Leviste, na tumatakbo bilang kinatawan ng unang distrito ng Batangas, nagtipon ang mahigit 60,000 Batangueños upang ipakita ang kanilang suporta para sa pag-unlad ng Unang Distrito ng Batangas.
Kabilang sa mga dumalo sina Senador Imee Marcos, Lito Lapid, Francis Tolentino, Congresswoman Lani Mercado-Revilla na kumatawan kay Senador Bong Revilla, at sina dating Senador Tito Sotto, Ping Lacson, Gringo Honasan, at Manny Pacquiao. Sinamahan ni Senador Loren Legarda, ang ina ni Leandro Legarda Leviste, ang kanyang mga kapwa senador na nagkaisa para sa kanilang adhikain para sa pag-unlad ng Unang Distrito ng Batangas.
Ginanap ang mga programang ito sa mga bayan ng Nasugbu, Balayan, at Taal, kasama ang mga Batangueños mula sa mga bayan ng Lian, Calatagan, Tuy, Lemery, at ang lungsod ng Calaca. Tinalakay ng mga senador ang mga pangunahing isyung kinakaharap ng bawat komunidad, mula sa trabaho hanggang sa imprastraktura at serbisyo publiko.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Leandro Legarda Leviste, ang pinakabatang billionaire entrepreneur sa bansa, ang kahalagahan ng suporta ng nasyonal na pamahalaan para sa mga programa at proyekto para sa mga bayan ng Unang Distrito ng Batangas.
Nanawagan siya sa mga kandidato na bigyang-pansin ang pagpapalakas ng imprastraktura, pagpapalago ng ekonomiya, at pagpapalawak ng mga oportunidad sa kabuhayan.
“Sa nakaraang mga dekada, mas mabilis ang pag-unlad ng ibang mga distrito dahil sa tulong ng nasyonal na pamahalaan. Nararapat lang na maging nang priority ang ating distrito, at naniniwala po ako na sa mga darating na taon, ang mga bayan ng Unang Distrito ay maging ilan sa mga pinaka maunlad na mga bayan sa Batangas,” ani Leviste.
Sa harap ng libu-libong mga Batangueños, inilahad ng mga kandidatong pagkasenador ang kanilang mga batas at programa, pinatunayan ang kanilang dedikasyon sa reporma sa gobyerno, pagpaunlad ng ekonomiya, at pagpapabuti ng serbisyong panlipunan.
Ikinatuwa naman ni four-term Senator Loren Legarda ang pagpapahayag ng pagkakaisa ng mga senatorial candidates at mga lokal na opisyal sa layuning paunlarin ang Unang Distrito ng Batangas.
“Ang ganitong klaseng pagkakaisa ay patunay na kapag nagtutulungan ang pambansa at lokal na pamahalaan, mas epektibong naipatutupad ang mga programang makakatulong sa ating mga kababayan. Ang Unang Distrito ng Batangas ay may malaking potensyal, kaya mahalaga ang patuloy nating suporta para sa kanilang pag-unlad,” ani Legarda.
- Latest