Bong Go: PGH bed capacity bill aprub na sa Senado
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa, ang Senate Bill No. 2928 na naglalayong dagdagan ang bed capacity ng Philippine General Hospital (PGH) mula 1,334 hanggang 2,200.
Ito ay nagmarka sa masigasig na pagsisikap na resolbahin ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa ospital para mapahusay ang healthcare services sa mga Pilipino.
Bilang may-akda at isponsor ng panukala, pinasalamatan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga kapwa niya senador sa kanilang pagsuporta sa batas sa paniniwalang kailangang lalo pang pahusayin ang kapasidad ng PGH sa pagsisilbi sa mahihirap na pasyente.
Sinabi ni Go na ang PGH ay isang mahalagang institusyon para mga kababayan nating naghahanap ng libre at dekalidad na serbisyong medikal at sa tulong ng nasabing batas ay mas marami nang pasyente ang matutulungan at mabibigyan ng mas maayos na pangangalaga mula sa pagsisiksikan.
Itinatag noong 1907 at binuksan noong 1910, ang PGH ang pinakamalaking tertiary hospital sa bansa, sa pagbibigay ng serbisyo sa higit 700,000 pasyente taun-taon.
Gayunpaman, madalas ay lumalampas sa kapasidad o umaabot sa 200 porsiyento occupancy rate ang PGH dahilan upang mapilitan ang mga pasyente na magsama-sama sa iisang kama o maghintay sa mga pasilyo habang naghihintay ng medikal na atensyon.
Nangako si Go na patuloy na gagawa ng mga hakbang na magpapalakas sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa para matiyak na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng access sa mga de-kalidad na serbisyong medikal.
- Latest