Lady pilot ni Willie Revillame patay sa helicopter crash!

MANILA, Philippines — Patay ang isang lady pilot matapos na bumagsak ang helicopter na kanyang pinapalipad kamakalawa ng hapon sa Guimba, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ni LtCol George Calauad Jr., Guimba Chief of Police, narekober mula sa crash site ang bangkay ng biktimang si Julia Flori Monzon Po, 25, residente ng Marina Bay Homes, Asia World, Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-5 ng hapon sa Sityo Arimung-mong, Barangay San Miguel, Guimba, Nueva Ecija.
Si Po ay matagal nang piloto ng TV host na si Wilie Revillame.
Sinasabing pinapalipad ni Po ang Robinson helicopter na may body number RP-C3424 galing Baguio at patungong Maynila nang mangyari ang pagsabog.
Bago umalis ng Baguio ay lumapag ito sa Binalonan, Pangasinan para mag-refuel ng 12:05 ng tanghali.
Gayunman hindi umano agad umi-start ang helicopter bago ito tuluyang nakalipad bandang 4:25 ng hapon.
Nakatanggap naman ang Guimba Police Station ng report mula sa isang concerned citizen 5:20 ng hapon tungkol sa isang helicopter na bumagsak sa Barangay San Miguel.
Mabilis na nagsagawa ng salvage operation upang maiangat ang helicopter mula sa creek na hanggang dibdib ang lalim.
Agad namang pinuntahan ng TV host ang labi ni Po sa HM Mina Funeral Services sa Pacac, Guimba.
Inaasahang illlipat ang mga labi ng piloto sa Heritage Park sa Parañaque.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa dahilan ng pagbagsak ng chopper.
- Latest