VP Sara seryoso na sa 2028 presidential elections

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na seryoso na niyang ikinukonsidera ang pagtakbo sa 2028 presidential elections matapos na makitang napag-iiwanan na ang Pilipinas ng buong mundo.
Unang sinabi ni Duterte na pinag-aaralan niya ang pagtakbo sa pagkapangulo nang bisitahin ang mga OFW sa Japan kamakailan.
Sa isang panayam naman sa News5 nitong Sabado, muli itong binanggit ng bise presidente.
“Tinanong nila (OFWs) ako kung tatakbo ba raw ako (sa presidential elections) ngayong 2028, at sinabi ko sa kanilang I’m seriously considering running in the 2028 presidential elections. Dahil sa mga nakikita natin sa bayan natin na dapat ayusin, dapat baguhin,” ani VP Sara.
Dagdag pa niya, “Kailangan maging competitive tayo sa mga kapitbahay natin dito sa ating region, at hindi lang sa region kundi sa buong mundo. Napag-iiwanan na ang Pilipinas, at ayaw natin ‘yun.”
Samantala, sinabi rin ni Dutere na inaalam pa niya kung ano ang magiging partisipasyon niya sa darating na halalan sa Mayo 12. Pinag-iisipan pa rin umano niya sa ngayon kung makabubuti o makasasama sa mga kandidato sa 2025 midterm elections ang pag-endorso niya sa mga ito.
“Kung ang hindi pag-endorso ay makakatulong sa isang kandidato, gagawin ko ‘yun,” aniya pa.
Si Duterte ay nahaharap sa tatlong impeachment complaints sa Kamara, kaugnay ng confidential funds ng kanyang tanggapan, habang patuloy rin sa paglagapak ang kanyang trust at satisfaction ratings sa mga naglalabasang surveys.
- Latest