Pangulong Marcos: 5 Chinese spy ‘dikdikin’!

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa limang Chinese spies na nahuli kamakailan sa Palawan.
Sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview sa Pasay City, na ito ang dahilan kaya agad na inaresto ang limang espisya.
“That’s why we arrested them because of course we are very disturbed by anyone conducting such espionage operations against our military and our – and just the services that we are trying to provide the people,” pahayag ng Pangulo.
Matatandaan na kabilang sa mga naaresto ay sina Cai Shaohuang, 52; Wang Yong Yi, 52; Wu Jun Ren, 62; Wu Chengting, 38; at Chen Haitao, 36. Nahaharap ang lima sa kasong espionage dahil sa pagmamanman sa mga base militar ng Pilipinas at sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement sites (EDCA) ng Pilipinas at Amerika.
Subalit sa ngayon ay hindi pa rin aniya matukoy kung pakawala ng gobyerno ng China ang limang espiya.
“We – no, we have no contact with the – no official contact with China,” ayon pa kay Marcos.
Sa ngayon aniya, patuloy ang imbestigasyon at pagkalap ng iba pang impormasyon para matukoy kung anong operasyon ang ginagawa ng mga suspek dito sa Pilipinas.
Sinabi pa ng Pangulo, kailangang mabusisi ng husto ang pagkatao ng lima dahil matagal na sila sa Pilipinas.
“Dahil ‘yung iba matagal nang nandito nakapangasawa na ng mga Pilipina. At sleeper talaga, sleeper, tinatawag na sleepers,” pahayag ni Pangulong Marcos.
- Latest