Libo-libong 4Ps graduates puntirya ng job fair

MANILA, Philippines — Mahigit 12,000 na graduating beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakinabang sa isang job fair na idinaos kamakailan sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa pangunguna ni Special Assistant to the President (SAP) Antonio Lagdameo Jr., ang “Trabaho sa Bagong Pilipinas” Job Fair ay nagsilbing one-stop shop na naghandog ng trabaho mula sa 94 participating employers.
Ayon kay Lagdameo, idinidiin ng naturang job fair ang kanilang misyon na patuloy na subaybayan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo ng 4Ps kahit graduate na ang mga ito sa programa.
“Ang hangad namin sa inyo ay walang maiiwan at walang mapag-iiwanan sa bagong pilipinas na ating itinatatag,” sabi pa nito.
Nagkaroon din ng orientation tungkol sa iba’t ibang serbisyong inihahandog ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng financial assistance na Php 3,000 para sa mga 4Ps members bilang dagdag tulong para sa kanilang pre-employment requirements tulad ng medical examinations at transportation allowances.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng orientation ang DOLE sa “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers” (TUPAD) program para sa 1,000 biktima ng sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila.
“Nilalayon naming mas dumami pa ang ating mga kababayang may kakayahang tugunan ang kanilang sariling mga pangangailangan dahil ang ibig sabihin nito ay higit na marami pa ang mag-aambag sa pagpapaunlad ng ating bansa,” dagdag pa ni Lagdameo.
Samantala, kasama rin sa job fair ang “Kadiwa ng Pangulo” stalls na nag-alok ng murang mga bilihin upang tugunan ang dagok ng food inflation at para masiguro ang food security. Naghandog ang Department of Agriculture (DA) ng seminars para sa mga interesadong magbukas ng kanilang mga sariling negosyo.
Ayon naman kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, patuloy umanong sisiguraduhin ng gobyerno na masusubaybayan nito ang pangangailangan ng mga 4Ps graduates.
“Patuloy na nakasubaybay ang pamahalaang nasyonal at ang DSWD upang masiguro na ang inyong mga pang-araw-araw na pangangailangan ay patuloy na nasusubaybayan at napapangalagaan,” sabi ni Gatchalian.
Kasama rin sa programa ang mga one-stop-shop government pre-employment at advisory services mula sa mga ahensya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine National Police (PNP), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Statistics Authority (PSA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Social Security System (SSS) at Department of Trade and Industry (DTI).
- Latest