Typhon missile isosoli sa US, kung titigil China sa panghaharas – Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik sa Amerika ang biniling Typhon missile system kung titigil ang China sa pangha-harass at pag-aangkin sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa isang ambush interview sa Cebu City, sinabi ng Pangulo na hindi niya maintindihan kung bakit nagkokomento ang China sa naturang missile systems.
Pagtataka pa ni Marcos, hindi naman tayo nagkokomento sa kanilang missle systems na mas malakas pa kaysa atin.
Kaya hamon ng Pangulo, magkaroon tayo ng usapan sa China para itigil ang pag-aangkin sa ating teritoryo, tigilan ang pangha-haras sa mga mangingisda at payagan silang maghanapbuhay.
Gayundin dapat tigilan ng China ang pagbangga sa ating mga bangka, pag-water cannon sa mga Filipino, pag-laser at ang coercive behavior.
“Tigil nila ‘yung ginagawa nila, ibabalik ko lahat ‘yan”, pahayag pa ni Marcos.
Ang Typhon missiles system ay kayang magpalipad ng missiles o anumang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
- Latest