Virology Institute pabibilisin aksyon ng gobyerno vs animal diseases
MANILA, Philippines — Umaasa si Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino na pabibilisin ng panukalang Virology Institute of the Philippines (VIP) ang pagkilos ng gobyerno para sawatain ang pagkalat ng mga sakit sa hayop.
Ito’y upang ‘di na maulit ang karanasan ng bansa sa pananalanta ng African Swine Fever (ASF) noong isang taon.
Sa kanyang maikling interjection sa pagtalakay ng plenaryo sa Senate Bill No. 2893, na magtataguyod sa VIP, tinuran ni TOL ang aniya’y “overlapping mandates” ng iba’t ibang ahensya sa pagresponde sa ASF outbreak.
Aniya, naging lubhang mabagal ang proseso para sa malawakang clinical trial at pagde-deploy ng nararapat na vaccines upang kontrahin ang pagkalat ng mabalasik na ASF virus.
Magugunita na si Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. 565, na nagbunsod sa Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform para imbestigahan ang mapaminsalang epekto ng ASF sa produksyon, suplay, at presyo ng karneng baboy.
- Latest