2025 budget, pinadedeklarang ‘unconstitutional’ sa SC
MANILA, Philippines — Pinadedeklarang ‘unconstitutional’ o labag sa Saligang Batas ang Republic Act 12116 o General Appropriations Act (GAA) of 2025.
Sa petisyong inihain sa Supreme Court nina Davao Rep. Isidro Ungab, dating Executive Secretary Vic Rodriguez at iba pa, iginiit na nagkaroon umano ng ilang paglabag ang pag-apruba sa 2025 budget.
Partikular nilang tinukoy ang mga umano’y mga blangkong items sa bicameral conference committee report ng spending plan.
Ayon sa petitioners, makikita sa Bicameral Committee Report ang ilang blangko, partikular na ang budget allocations para sa National Irrigation Administration (NIA), Department of Agriculture (DA) at Philippine Coconut Authority.
“Here, the Bicameral Conference Committee not only made several amendments to the 2025 General Appropriations Bill but left blanks in their report…which is very dubious and dangerous as the budgets for the said offices and programs remain to be undetermined,” bahagi pa ng petisyon.
Bagamat may kapangyarihan ang Bicameral Conference Committee na pagsamahin ang bersiyon ng Senado at ng Kamara, hindi naman nito maaaring amiyendahan ang mga probisyon nang hindi malinaw na isinasaad ang bersiyon na dapat amiyendahan.
“Such irregularity is a blatant violation of the constitution which should not be condoned,” anang petitioners.
Nanindigan din sila na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang bicam nang lagdaan ang committee report sa 2025 National Budget ng may blangko.
Nalabag din anila ang Konstitusyon nang mabigo itong bigyan ang sektor ng edukasyon ng pinakamataas na budget allocation.
- Latest