ACT-CIS Party kuha 3 slot sa Kongreso
MANILA, Philippines — Makakakuha pa rin ng tatlong slot sa kongreso ang ACT-CIS (Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support, Inc.) batay sa pinakahuling resulta ng survey na isinagawa ng Tangere para sa 2025 Pre-Election Party-List Preferential Survey.
Batay sa resulta ng survey, nakakuha ng 9.42% voter preference ang ACT-CIS bagama’t bumaba ito ng halos 6 porsiyento noong nakaraang survey.
Posible aniyang naging dahilan ng pagbaba ng porsiyento ay ang kuwestiyonableng Citizenship Issue ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
Bahagyang bumaba rin sa Senatorial Voter Preference si Tulfo dahil dito.
Limang partylist naman ang posibleng makakuha ng dalawang puwesto sa Kongreso. Kinabibilangan ito ng 4PS Party list (Pagtibayin at Palaguin ang Pangkabuhayang Pilipino), 6.00%; Ako Bicol Party list (Ako Bicol Political Party), 4.21%; Tingog Partylist, 4.00%; Malasakit@Bayanihan Party list (Malasakit at Bayanihan Foundation, Inc.), 3.50% at ACT Teachers Party list, 3.41%.
Isang puwesto naman ang posibleng makuha ng 1-Rider, 3.25%; Duterte Youth Party list, 3.00%; 1Pacman, 2.67% at Gabriela, 2.67%.
Hindi rin pahuhuli ang Solid North Party List, 1.52%; Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist; FPJ Panday Bayanihan (FPJPB) Party list 1.52%; Partido sa Bagong Pilipino (PBP) Party list 1.37%.
Samantala, ilan din sa mga nangungunang isyu na nais na maresolba ay ang pagbaba ng presyo ng bilihin (75%); paglaban sa korapsiyon (74%); pagpapabuti sa health care services sa mga pampublikong hospital (73%); pagdami ng may trabaho (72%); pagpapabuti ng health care sa mga lalawigan (70%); at dagdag sahod (70%).
Isinagawa ang survey nitong Enero 8-11, 2025 sa pamamagitan ng mobile-based respondent application na may 2,400 participants.
- Latest