Kamara buo suporta sa mga residente ng Pag-asa Island
MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ng Kamara ang pangako nitong isusulong ang kapakanan ng mga residente ng Pag-asa Island sa Palawan.
Sa mensahe ni Speaker Martin Romualdez na binasa ng chairperson ng House Committee on Foreign Affairs na si Pangasinan Rep. Rachel Arenas sa kanyang pagbisita sa Pag-asa island, pinagtibay nito ang suporta ng Kongreso sa paglutas ng mga problema ng mga residente ng Pag-asa at mapabuti ang kalagayan ng kanilang buhay.
Ang delegasyon na pinangunahan ni Arenas ay nagdala ng mga pagkain, at grocery items sa may 230 residente kasama ang mga military at uniformed personnel noong Enero 16.
“Alam ko ang mga hamon ng buhay dito – ang distansya mula sa pangunahing mga lungsod, ang kakulangan sa mga pasilidad, at ang hirap ng pagharap sa araw-araw na pangangailangan. Ngunit sa kabila nito, nananatili kayong matatag,” ayon pa sa mensahe ni Speaker Romualdez.
Ang Pag-asa island na bahagi ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea, ay pinakamalaking lugar na nasasakupan ng Pilipinas sa Spratly Islands. Mahalaga ito bilang isang estratehikong outpost na nagpapatibay sa soberanya ng bansa at may malaking papel sa pagtukoy ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ayon sa international law.
Sa kabila ng geopolitical tension sa lugar, ang isla ay tahanan ng isang maliit na komunidad ng mga Filipino, kabilang na ang sundalo at uniformed personnel.
Kabilang sa mga konkretong hakbang na inilatag ay ang pagtatayo ng isang rural health unit, na ayon kay Speaker Romualdez ay mahalaga upang matiyak ang pagkakaroon ng mga serbisyong medikal para sa mga residente ng isla.
- Latest