Hindi kami ang mananagot sa blank items – Bersamin
MANILA, Philippines — Hindi mananagot ang Malakanyang kung idulog sa Korte Suprema ang isyu ng umano’y blank items sa bicameral conference committee report ng 2025 national budget.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na hindi naman niya mapipigilan ang mga indibidwal na nagbabalak na dumulog sa Supreme Court (SC) tulad ni Davao Rep. Isidro Ungab at iba pa.
Subalit tiniyak ni Bersamin na hindi sila mananagot dito dahil wala naman silang kinalaman sa bicameral report.
“Hindi kami ang mananagot diyan, dahil wala kaming kinalaman sa bicam report...’ giit ng kalihim.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Bersamin na maaga pa para magkomento tungkol sa nasabing isyu.
Matatandaan na sinabi ni dating executive secretary at Senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez na may ilang abogado ang nagbabalak umakyat sa SC tungkol sa mga di umano’y blangkong item sa bicam committee report ng 2025 budget.
Sinabi pa ni Rodriguez na inaasahan niyang sasagutin ng administrasyon ang aniya ay hindi pagkakapare-pareho sa 2025 budget na labag umano sa batas.
- Latest