Ex-Leyte solon ‘ipinatumba’ karibal sa pulitika – CIDG
MANILA, Philippines — Itinuturong utak umano ang dating kongresista sa Leyte sa pagpatay kay Malawaan Barangay Councilor Anthony Sevilla Nuñez sa Tabango, Leyte, noong 2016.
Ito’y matapos na muling buksan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Major Crime Investigation Unit ang kaso at magsampa ng pormal na reklamo laban kay Vicente “Ching” Veloso III, dating kinatawan ng 3rd district ng Leyte.
Kabilang sa mga suspek sa krimen sina Nicolas Banez, alyas “Butoy,” William Louse Laguindo, Richan Dejon Pernis, alyas “Pernis Rexon,” Edwin Commendador, at Edwin Mulle.
Ang kaso ay muling isinampa noong Enero 22, 2025, ng CIDG matapos dalawa sa mga akusado na sina Pernis at Laguindo, ay nagbigay ng extra-judicial confession, at isang saksi ang lumabas upang positibong kilalanin si Banez bilang gunman umano na bumaril sa yumaong barangay kagawad. Si Nuñez ay kilala bilang isang tagasuporta ng mga karibal ni Veloso sa pulitika.
Batay sa imbestigasyon ng CIDG, isinalaysay ni Pernis, 44, ng Barangay Ugbon, Leyte, na una siyang hinikayat ni Banez, na kanyang dating platoon commander sa NPA, na magtrabaho sa sakahan ni Veloso.
Ipinaalam umano sa kanya ni Banez na si Veloso ang “nag-utos” sa kanila na isagawa ang pagpaslang sa kanyang mga karibal sa pulitika, kabilang si Nuñez.
Noong 2020, sinabi ni Pernis na napilitan siyang umalis sa grupo matapos siyang bigyan ng babala ni Banez na gusto rin umano siyang ipaligpit ni Veloso dahilan para kusang sumuko at makipagtulungan siya sa imbestigasyon noong Disyembre 2 024.
- Latest