Pangasinan mayor, bise dedma sa suspension order ng Palasyo
MANILA, Philippines — Patuloy umanong iniisnab ng alkalde at bise alkalde ng Urdaneta City sa Pangasinan ang suspension order na ipinataw ng Malakanyang kaugnay ng mga umano’y kasong grave misconduct at grave abuse of authority.
Ayon kay Mayor Julio Parayno, wala umano siyang maling ginawa para suspindihin.
Sinabi rin ni Mayor Parayno na hindi pa nito natatanggap ang suspension order dahil nakabakasyon siya mula January 7-21. Sakaling matanggap niya ito ay kanya raw agad pipirmahan.
Niliwanag naman ni Pangasinan Governor Ramon Guico III, na hindi pa niya aprubado ang leave of absence ni Mayor Parayno dahil kailangan muna nitong magsumite ng mga requirements bago aksyunan ang inihaing sick leave, tulad ng duly sworn statement na nagpapatunay na wala itong ibang pending administrative case o criminal case bukod sa Sangguniang Panlalawigan admin case No. 2024.
Nitong January 3, pinirmahan at nagpalabas ng 1 year suspension order laban kay Mayor Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno si Executive Secretary Lucas Bersamin matapos tanggalin sa puwesto bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay si Punong Barangay Michael Brian Perez noong 2022.
Sinasabing wala umanong hurisdiksyon ang alkalde na tanggalin si Perez dahil ito ay trabaho ng Provincial Liga Office.
- Latest