17 Pinoy na bihag ng Houthi rebels laya na!
MANILA, Philippines — Makakauwi na ng bansa ang 17 Filipino seafarers na binihag ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea noong Nobyembre 2023.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nasa ligtas na kalagayan na ngayon ang mga Filipino matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag.
Bukod dito, pinalaya rin ng mga rebelde ang iba pang crew members ng MV Galaxy Leader.
Ayon pa sa Pangulo, nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman ang mga Filipino seafarers at agad na iuuwi sa Pilipinas para makapiling ang kanilang pamilya.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si Oman Sultan Haitham Bin Tarik at ang kanyang gobyerno para sa matagumpay nilang mediation.
Pinuri rin ng Presidente ang mga kaukulang ahensya ng Philippine government at private instrumentalities na walang-pagod na nakipagtulungan sa foreign government at entities upang mapalaya ang mga Filipino.
Paliwanag pa ni Marcos, dahil sa matatapang na Pinoy seafarers kaya nilagdaan niya ang Magna Carta of Filipino Seafarers para maprotektahan ang kanilang karapatan, kapakanan at maitaguyod ang kanilang full employment.
- Latest