Kasambahay ban sa Kuwait ibalik! – Tulfo
MANILA, Philippines — Ipinababalik ni Sen. Raffy Tulfo ang deployment ban ng mga bagong kasambahay sa Kuwait kasunod ng mga naiulat na pagpatay sa mga Pinoy domestic worker sa nasabing bansa kamakailan.
Sinabi ni Tulfo na nakakatanggap siya ng average na 150 reklamo mula sa mga OFWs sa iba’t ibang parte ng mundo na inabuso o hindi nabayaran ng maayos ng kanilang mga dayuhang amo.
Binigyang diin ni Tulfo na wala siyang nakikitang problema sa mga Pinoy OFW dahil sila ay masisipag. Ang problema diumano ay nag-uugat sa mga abusadong foreign employer, na sa tingin niya ay hindi na screen ng maayos.
“Continuing the deployment of new Filipino domestic workers in Kuwait without fixing the current system is like sending our workers to the lion’s den,” saad niya.
Sinabi ni Tulfo na kailangan munang makipag-ugnayan ng ating gobyerno sa Kuwaiti government at mapagkasunduan ang karagdagang requirements para sa mga dayuhang employer na nais mag-hire ng mga Filipino workers bago i-lift ang ban.
Kasama dito ang neuro-psychiatric exam, bukod pa sa pagsusumite nila ng police clearance at proof of financial capacity na magpasweldo sa kanilang empleyado.
Binigyang-diin din ni Tulfo ang kahalagahan ng isang spot inspection sa bahay ng employer bago magpadala ng mga OFW sa Kuwait.
Inamin ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na ang spot inspection sa kasalukuyan ay naipapatupad lamang sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Singapore.
Sa kasalukuyan ay ipinagbabawal ng DMW ang deployment sa Kuwait ng mga first-time OFWs, na wala pang karanasang magtrabaho sa ibang dagat.
Tiniyak naman ni Cacdac na ang anumang ban na maaari nilang ipatupad ay hindi makakaapekto sa mga OFW na kasalukuyan nang nasa Kuwait.
- Latest