Pinas nalusutan ng P6.4 bilyong drug smuggling mula China
MANILA, Philippines — Nalusutan ang Pilipinas ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na itinago sa magnetic lifter at dumaan sa Manila International Container Port ng Bureau of Customs (BOC) noong 2017.
Ito ang inamin ni dating BOC Commissioner Nicanor Faeldon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Quad Committee hinggil sa drug smuggling sa bansa sa ilalim ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa masusing pagkuwestiyon ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ay inamin ni Faeldon na nagawang malusutan ng mga drug smugglers ang mga tauhan ng BOC.
Bagaman noong una ay tumanggi si Faeldon na may pagkakamali siya ay napaamin ito sa mga pagkuwestiyon ng lady solon.
Bago ang operasyon, sinabi ni Faeldon na nakatanggap sila ng impormasyon sa posibleng shipment ng bulto ng shabu galing sa China kung saan ay nagawa nilang makuha ang tracking number na MCLU 600 1881 at dito’y nakumpiska ang naturang drug shipment.
“I think ‘yung sinasabing nalusutan, yes, I take the responsibility. But if you read the Customs Modernization and Tariff Act, there is a clear delineation of the tasks,“ na iginiit na trabaho ito ng Customs Collector na siyang may awtorisasyon na magpalabas ng shipment.
Ipinunto naman ni Luistro na ang mga drug smugglers ay nagawang makalusot sa BOC sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon kaya may pananagutan ito sa batas lalo na at nabigong mahuli ang mga importer.
- Latest