Tatay na ayaw magsustento sa anak, kulong na – Kamara
MANILA, Philippines — Lusot na sa House Committee on Children‘s Welfare ang panukalang magpapataw ng parusang kulong sa mga tatay na ayaw magsustento sa kanilang mga anak.
Kasabay nito, pinasalamatan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang komite sa pag-aaprub sa House Bill 8987 o ang “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof”.
Nasa Committee on Appropriations na ang HB 8987 na isinusulong ni Tulfo para pag-aralan kung magkano ang kakailanganing pondo para makapagtatag ng isang opisina sa DSWD na mangangasiwa sa implementasyon ng batas.
“Kailangang kailangan na natin itong batas na ito. Kailangang maparusahan ang mga tatay na ayaw bigyan ng suporta ang kanilang mga anak, lalo na kapag iniwan na niya ang kanyang pamilya,” pahayag ni Tulfo.
Ang panukala ay inihain ni Tulfo noong Agosto 2023, katuwang sina ACT-CIS partylist Reps. Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
Sa ilalim ng panukala, hanggang anim na taong pagkakulong ang ipapataw sa mga tatay na ayaw panagutan ang kanilang mga anak.
Ang ibibigay na suporta ay depende sa pangangailangan ng bata. Aatasan ng batas ang DSWD, sa pakikipagtulungan ng NEDA, na siyang magtatakda kung magkano ang ibibigay na suporta sa kanilang anak.
- Latest