16-anyos estudyante, sinagip buhay ng 64-anyos sa CPR
MANILA, Philippines — Umani ng papuri at pagkilala ang isang 16-anyos na estudyante ng Special Education (SPED) Center of Easter College na nagligtas ng buhay ng isang 64-anyos na nawalan ng malay matapos ma-stroke sa pamamagitan ng pagbibigay ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) bilang first aid, sa Baguio City.
Ang insidente ng pagiging bayani ni Juan Carlos “JC” Sumbad, ay nabunyag sa publiko mula sa nai-post na video ng Baguio City Public Information Office sa social media.
Pinuri ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang ginawang kabutihan ni JC.
“Your compassion and love for others is commendable and worth emulating. We hope that more youth will follow your lead,” ani Magalong.
Pauwi na ng bahay mula sa paaralan si JC nang mamataan ang matandang nag-collapse sa kalye kaya siya agad bumaba sa sinasakyang dyip.
“Ang akala ko po noong una ay lasing but when I checked his pulse ay it was weak na po, and that’s when I started CPR,” sabi ni JC sa video.
Agad na isinagawa ni JC ang FAST (Face, Arms, Speech, and Time) method upang matukoy ang sintomas ng stroke bago isailalim sa CPR ang biktima.
Sinabi niya na natutunan sa disaster and emergency response program ng nasabing eskwelahan ang basic life support at CPR.
Nagpasalamat naman ang anak ng senior citizen na si Victor Chua dahil sa sinabi ng mga manggagamot na kung hindi sa mabilis na aksyon ni JC ay posibleng agad nang binawian ng buhay ang ama. Nabatid na sumailalim sa bypass operation sa Philippine Heart Center sa Quezon City ang ama.
- Latest