Impeachment vs VP Sara wala pang bilang
MANILA, Philippines — Hindi pa sapat ang suporta ng mga mambabatas sa Kamara sa mga inihaing impeachment complaint upang sumulong ito at mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte.
Ito ang inamin ni House Secretary General Reginald Velasco na sinabing anim na Kongresista pa lamang na nag-indorso sa tatlong impeachment complaint laban kay VP Sara ang sumusuporta dito.
Samantalang hindi pa nakatitiyak kung matutuloy pa ang pagsasampa ng ika-apat na impeachment.
Ang complaint laban kay VP Sara ay kaugnay ng hindi umano wastong paggamit sa P612.5 milyong confidential funds na kinabibilangan ng P500 milyon sa Office of the Vice President (OVP) at P112.5-M sa DepEd sa panahon ng panunungkulan nito sa nasabing ahensiya.
Kabilang sa mga pangunahing sumusuporta sa tatlong impeachment ang tatlong Makabayan bloc solons, Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña.
Inihayag ni Velasco na sa kasalukuyan ay hinihintay pa niya ang ikaapat na impeachment kay VP Sara para sabay-sabay na niya itong maisumite sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“So far, anim (solons) ang nag-iindorso sa impeachment complaint as I’ve said earlier naghihintay pa kami sa fourth complaint na tinatawag na consolidated complaint,” saad ni Velasco.
Ayon kay Velasco, kailangan ng 1/3 sa kabuuang bilang ng mga mambabatas na nasa mahigit 300 para sumulong ang impeachment sa House Committee on Justice at madala sa plenaryo para isapinal ang pagboto.
Inihayag nito na mahirap ding abutan ng session break ang nasabing impeachment dahil sa nalalapit na campaign period sa Pebrero.
Nabatid pa na ang beripikadong reklamo ng impeachment na ipadadala sa tanggapan ng House Speaker ay may 10 araw bago ito isumite sa Committee on Rules habang ang Committee on Justice naman ang magbeberipika kung may sapat na ‘substance and form’ para gumulong ang impeachment.
Nangangailangan ng 154 boto mula sa 308 miyembro ng Kamara habang 16 naman mula sa 30 miyembro ng Justice panel na hihimay dito.
Inihayag pa ni Velasco na tila kaya nanlalamig ang iba pang mga Kongresista na sumuporta sa impeachment ay dahil siyam na araw na lang ng sesyon ang nalalabi hanggang Pebrero 5 at Pebrero 7 naman ang adjournment. Nakatakdang mag-resume muli ang sesyon sa darating na Hunyo 2.
- Latest