Deployment ban ng OFWs sa Kuwait pinag-aaralan
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Kuwait.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ng dalawang OFWs na sina Dafnie Nacalaban at Jenny Alvarado, sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.
Si Nacalaban, na iniulat na nawawala ng kanyang ikalawang amo noong Oktubre, subalit natagpuang patay sa tahanan ng isang Kuwaiti habang si Alvarado naman ay iniulat na namatay dahil sa paglanghap ng usok mula sa uling sa kanyang pinagtatrabahuhan kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa Nepal at Sri Lanka.
Kaya ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na mayroong posibilidad na ipagbawal ang pagpapadala ng mga manggagawang Filipino sa nasabing bansa. Ipinagbigay alam na rin aniya niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sitwasyon at mga kaso doon.
Nilinaw naman ng kalihim na ang kasalukuyang pinagbabawal ng Pilipinas sa mga unang beses na magtatrabaho bilang domestic worker sa Kuwait.
Isinasaalang-alang din anila ang pagpapataw ng mas mahigpit na mga patakaran at requirements sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Arab country.
Sakali naman aniya na sa kanilang pagsusuri ay makakatulong ang deployment ban ay gagawin nila ito, subalit isinasaalang-alang din nila ang mga kababayan na ligtas sa kanilang employment.
Sinabi ni Cacdac na tinatayang nasa 215,000 na OFWs ang nasa Kuwait.
- Latest