Food emergency posibleng ideklara sa Enero 22 - DA
MANILA, Philippines — Nakatakdang magpatupad ang Department of Agriculture (DA) ng food security emergency sa mga susunod na lingo.
Ito ang sinabi ni DA spokesman Arnel de Mesa dahil matatanggap na nila ang kopya ng resolusyon sa approval ng rekomendasyon na maideklara ang food security emergency.
“So ine-expect na ma-review ‘yan ng Monday din hanggang Tuesday at ang expectation by Wednesday ay meron ng aksyon ang ating kalihim and most likely again the declaration of food security emergency,” paliwanag ni de Mesa.
Una nang naaprubahan ng National Price Coordinating Council ang resolusyon na humihiling sa DA na maideklara ang food security emergency sa bigas dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 12078 na nag-aamyenda sa Agricultural Tariffication Act, ang Kalihim ng DA ay may kapangyarihan na magdeklara ng food security emergency sa bigas dulot nang kakulangan o pagtaas ng presyo nito.
Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na justified ang posibilidad na pagdedeklara ng food security emergency sa bigas dahil may mga sapat na batayan upang maipatupad ito.
- Latest