‘Nuisance Candidacy’ gawing krimen - Comelec
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na gawing krimen ang nuisance candidacy sa gitna ng pagkasayang ng nasa 6 milyon na naimprentang balota.
“..Nuisance candidacy, dapat gawing criminal ‘yan. Kung hindi kulong, dapat patawan ng multa bilang parusa,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Una nang naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court (SC) laban sa diskwalipikasyon ng dalawang senatorial aspirant na sina Subair Guinthum Mustapha at dating Caloocan City representative Edgar Erice kaya nagpasya ang Comelec na itigil ang pag-imprenta ng official ballots, kung saan 6 milyon na ang nakumpleto.
Nasundan pa ito ng isang desisyon ng SC sa tatlong aspirante sa lokal na posisyon.
Iginiit ni Garcia na nakasaad sa Omnibus Election Code na ang nuisance candidacy ay isang “legal” at “constitutional” na usapin.
Alinsunod sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, “any candidate is identified to have no bona fide intention to run for public office if s/he puts the election process in “mockery or disrepute or to cause confusion among the voters by the similarity of the names of the registered candidates or who by other acts or circumstances.”
Giit pa ni Garcia, “May disconnect na ang batas natin na umiiral, sa ating ipinatutupad na automated election.”
“Wala ring makakapigil sa SC na mag-issue ng pansamantalang remedyo... Ipinapakita natin ang pag-respeto sa Korte Suprema, sa rule of law,” paliwanag niya.
Kahit wala pa aniyang natatanggap na kopya ng TRO ang Comelec kaugnay sa ilang kandidato na naideklarang nuisance, agad na niyang pinahinto ang pag-iimprenta sa balota.
Pagbubunyag niya, ang muling pag-imprenta ng 6 milyong balota ay may gastos na P22.00 kada isa o nasa P132-milyon. Sa 71 milyong balota ay may badyet na P1.6 bilyon, dagdag pa niya.
Nitong Biyernes ay sinimulan na ang paghahakot ng nasayang na mga balota patungo sa warehouse sa Sta. Rosa, Laguna kung saan ito idaraan sa paper-melting process.
- Latest