Killer ng Pinay sa Kuwait umamin na - DMW
MANILA, Philippines — Umamin na sa mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang naaagnas ang katawan sa Kuwait.
Ang biktimang si Dafnie Nacalaban, ay natagpuan na nakabaon sa bakuran ng suspek noong huling bahagi ng 2024, matapos i-report ng kapatid ng suspek ang krimen sa mga Kuwaiti authorities.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na base sa natanggap niyang ulat may confession na mula sa pangunahing suspek bagama’t wala pa itong masyadong detalye.
Paliwanag pa ng kalihim na mayroong iba’t ibang kwento tungkol sa background ng prime suspect kaya hinihintay pa nila ang pormal na report ng pulisya.
Dagdag pa ni Cacdac na inaresto na ng mga otoridad ang pangunahing suspek kabilang dito ang asawa, ama at nakababatang kapatid.
Giit pa niya hinihintay pa rin nila ang tungkol sa indictment kaya nakatutok sila sa kaso.Si Nacalaban ay limang taon na nagtrabaho sa Kuwait at iniwan na umano ang kanyang amo noong Oktubre.
Natagpuan ang naagnas na labi ng Pinay sa loob ng bahay ng isang Kuwaiti citizen noong Disyembre 31, matapos ipasa ang suspek ng kanyang kapatid sa mga awtoridad.
Ang pagkamatay ni Nacalaban ay pinakahuli sa isang serye ng brutal na pagpatay sa mga OFW sa Kuwait.
- Latest